Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Tboli at
Tribal Mining Corporation ay inilunsad ang proyektong pamimigay ng school
supplies sa lahat ng mag-aaral ng kinder at day care sa bayan ng Tboli,
nagkaroon ng launching program ang proyektong ito kahapon Agosto 17, 2015 sa
barangay Kematu nitong bayan.
May 314 na mag-aaral ng kinder at
day care ng nasabing barangay ang binigyan ng school bags na may kasamang
school supplies kagaya na lamang ng lapis, papel, kwaderno at krayola.
Ang school bags ay matagal ng proyekto ng alkalde, at marami
na ring bata ang nakatanggap nito, ngunit sa pagkakataong ito ay meron na itong
laman, sa tulong na rin ng TMC na nagbigay ng P150,000 para mabili ang mga supplies ng mga mag-aaral.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Dibu Tuan na dahil sa ang pangunahing programa nitong administrasyon ay ang edukasyon, malaking tulong ang ibinahagi ng TMC upang matustusan ang kakulangan ng ilang mag-aaral, at galak itong nagpasalamat sa inisyatibo ng kompanya.
Ang nasabing programa ay pinapangunahan ng Tribal Mining
Corporation Community Relations
Division sa pamumuno ni Armen A. Tanco sampu ng
kanyang mga kasamahan, kabilang din sa programang tinututukan ng division ay
ang feeding program sa mga kabataan at libreng gupit tuwing magdaraos ng Dibu
Kariton.