Ang Department of Health Region XII sa pamumuno ni Regional
Director Teogones F. Baluma, MD ay pinangunahan ang kick-off ceremony ng school
based immunization na gaganapin sa buong buwan ng Agosto.
Inumpisahan ang seremonya
kahapon August 6, 2015 sa isang motorcade at sinundan ng maikling programa na idinaos
sa Tboli National High School.
Ang nasabing immunization ay tatanggap ng mga estudyanteng nasa grade
1 at grade 7 lamang, sa kadahilanang sila ang mga bagong mag-aaral ng bawat
paaralan.
Ang mga mag-aaral na grade 1 ay makakatanggap ng tetanus-diphtheria
vaccine samantalang ang mga grade 7 naman ay bibigyan ng mga vaccines para sa measles,
rubella, tetanus at diphtheria o (MRTD).
Ayon kay RD Baluma, dahil nakapagsagawa na sila ng pagbabakuna
sa mga batang may edad siyam na buwan hanggang limang taon, ang kanilang target
ngayon ay ang mga batang nag-aaral naman.
Sinabi rin nito na sya ay hindi nawawalan ng pag-asa na wala ng
batang magkakasakit sa mga inisyatibong ibinibigay ng ating pamahalaan para sa mga
problemang pangkalusugan.
Sa mensahe naman ni OIC Schools Division Superintendent Crispen
Soliven ay sinabi nitong mapalad ang Tboli dahil dito isinagawa ang kick-off
program ng ganitong programa, at umaasa ito na kung hindi man magiging zero ay
mababawasan ang mga batang mag dadrop-out sa mga paaralan dahil mabibigyan sila
ng mga bakuna upang maiwasan ang pagkakasakit.
Pinasalamatan naman ni Mayor Dibu S. Tuan ang lahat ng mga
dumalo sa programa, at pagpili sa bayan ng Tboli bilang unang tumanggap ng
school-based immunization, dagdag pa ni Mayor Tuan na “sa dami ng mga programa at proyektong
idinadaos sa Tboli ay wala kaming tinatanggihan, lalung-lalo na yung mga
programang may kinalaman sa kalusugan at nutrisyon ng aming mamamayan”
Sa ginanap na kick-off program, meron lamang dalawampung
estudyante ang binakunahan, sampu sa grade 1 at ang natirang sampu naman sa
grade 7.
Ang ilan pang estudyante ay makakatanggap ng pagbabakuna na isasagawa
ng mga health workers, midwives at nurses sa kani-kanilang mga paaralan.
No comments:
Post a Comment